30/11/2025
Matagal nang biktima ng pang-aalipusta at karahasan ang bansang Pilipinas. Mula sa kamay ng mga dayuhang mananakop na nag-ugat ng dahas at pagsasamantala, hanggang sa kasalukuyang mukha ng korapsyon at pang-aabuso na dumudungis sa sariling pamahalaan. Magmula pa noon hanggang sa kasalukuyan, hindi maitatanggi ang lalim ng sugat na tinatamo ng bayan.
Mahigit apat na siglo na ang nakalipas nang tayo’y sakupin ng mga dayuhan, ngunit hanggang ngayon ay batid pa rin sa bawat sulok ng bansa ang epekto ng mga pananakop na ito. Sa pagpasok ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo mula sa mga dayuhan, nahubog ang istruktura ng ating lipunan na siyang nagpapahirap sa mga Pilipino ngayon. Hindi kailanman naging tunay na malaya ang Pilipinas dahil patuloy pa rin tayong nakagapos sa rehas ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Hindi makalaya, hindi maka-ahon.
Kaakibat ng mahabang kasaysayan ng pang-aabuso ang hindi matitinag na pakikibaka ng mga Pilipino upang mapanatili ang kanilang dangal at karapatan. Sa bawat pagtatangkang patahimikin tayo, lalo lamang nag-aalab ang ating kolektibong tinig at tapang. Madalas nating itinataas sina Gregorio del Pilar at Jose Rizal bilang huwaran ng paninindigan at talino, mga sagisag ng nasyonalismong naghawan ng landas tungo sa kasalakuyang Pilipinas. Kasabay nila, may isang apoy na hindi kailanman ay nasupil, isang tapang na hanggang ngayo’y hindi matitinag.
Kabilang si Andres Bonifacio sa mga naglakas-loob na labanan ang opresyong umiiral noon. Isang dakilang rebolusyonaryong buwis-buhay na nakipagsapalaran sa ngalan ng Bayan kasama ang kaniyang mga kasapi sa Katipunan. Ang kanilang mga rebolusyon ang naging pag-asa ng sambayanang Pilipino, na makatakas sa kulungan na kung saan ay ikinulong sila nang mahigit tatlong-daang taon.
Ngayon, mahigit isang siglo na ang pakikibaka ng masang Pilipino mula sa Himagsikang Pilipino ng Katipunan. Ngunit nakalulungkot isipin na ang mga laban ng nakaraan ay atin pa ring inilalaban hanggang ngayon. Iisang mga isyu, iisang mga problema, iisa pa rin ang ugat—tanging nagbago lamang ay ang kanilang anyo.
Sa araw na ito, ika-30 ng Nobyembre, ay ating ipinagdiriwang ang kaarawan ni Andres Bonifacio. Bilang isang pinuno at inspirasyon sa kaniyang mga kasapi, si Andres Bonifacio ang nagpasiklab ng damdaming nasyonalismo. Tulad ng Sigaw ng Balintawak, makikita natin ang matinding pagmamahal sa bayan ay nakahahawa at nakapagdudulot ng malaking pagbabago.
Matagal na mang siya ay pumanaw, patuloy na dumadaloy ang kanyang dugo sa bawa’t Pilipino—dugong nag-aapaw ang katapangan, kagitingan, at nasyonalismo. Sa ating pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, nawa’y mahawaan tayo ng diwang militante na ipinagilas ni Bonifacio sa pakikibaka’t pakikipaglaban para sa ating bansa.
Gaya ng pagbuhos ng buhay ni Bonifacio at ng Katipunan sa pakikipaglaban, atin ring ibuhos ang ating mga kakayahan na sumaboses at manindigan. Ating ipabatid na tayo’y pagod na at sawa na sa pang-aabuso at pandarambong ng naghaharing-uri.